D E S I D E R A T A
Isinaling-wika ni Kapitan Rey S Trajano
Humayo kang may kapayapaan sa gitna ng ingay at paghuhumangos,
at alalahanin mong mayroong kapayapaan sa katahimikan.
Hangga’t maaari, ng walang pagsuko, maging mabuti sa pakikitungo sa lahat ng tao.
Ihayag mo ang iyong katotohanan ng may kahinahunan at kalinawan;
at pakinggan ang iba,
maging ang mga nakababagot at mangmang;
sila’y mayroon ding isa-saysay.
Iwasan ang mga matungayaw at mapupusok na tao;
sila’y ligalig sa kaluluwa.
Kung ihahambing mo ang sarili sa iba,
maaari kang maging palalo o maghinanakit,
sapagka’t laging may nakahihigit at nakabababa kaysa sa iyo.
Kasiyahan mo ang iyong mga tagumpay gayundin ang iyong mga balakin.
Manatiling may hangad sa sariling gawain, gaano mang kaaba;
Ito’y tunay na ari-arian sa pabago-bagong kapalaran ng panahon.
Maging maingat sa iyong mga kalakalin,
sapagkat ang mundo’y puno ng panlilinlang.
Subalit huwag mong bayaang ito’y bumulag sa iyo sa kabutihang naruroon;
Marami ang nagpupunyaging maaruk ang mga matayug na adhikain,
at saan mang dako, ang buhay ay puno ng kabayanihan.
Maging tapat sa sarili. Lalo’t higit, huwag magkunwari sa pag-irog.
O ‘di kaya’y mag-alinlangan sa pag-ibig,
sapagka’t sa harap ng lahat ng kahungkagan at kawalang-pag-asa,
Ito’y patuloy na sisibul tulad ng damo.
Tanggapin nang may kagandahang-loob ang payo ng mga taon,
buong kahinahunang isuko ang mga bagay ng kabataan.
Pag-ibayuhin ang lakas ng loob upang maging kalasag laban sa biglang kasawian
Subalit huwag ikaligalig ang mga madidilim na haka-haka
Maraming pangamba ay dulot ng pagod at pangungulila.
Higit pa sa ibayong pagpigil ng kalayawan,
maging maamo sa sarili.
Ikaw ay supling ng sanlibutan
hindi hamak sa mga puno at mga tala;
may karapatan kang narito.
At ito ma’y maging malinaw o hindi sa iyo,
walang alinlangang ang sanlibutan ay bumubukad ayon sa nararapat.
Kung gayon, maging mapayapa sa piling ng Manlilikha,
anuman ang iyong pananaw sa Kanya.
At anuman ang iyong mga pagpapagal at mithiin,
sa maingay nakalituhan ng buhay,
pamalagiin ang kapayapaan sa iyong kaluluwa.
Sa kabila ng lahat ng mga pagkukunwari, kabagutan at mga gumuhong pangarap,
Nananatiling maganda ang daigdig.
Maging masayahin. Pagsumikapang maging maligaya.
No comments:
Post a Comment